Epektibo at Murang Mga Paraan Kung Paano Maging Maganda

Malaki ang epekto ng iyong itsura sa kung paano ka pakitunguhan ng iba. Ito’y makakatulong upang makuha mo ang pangarap mong trabaho, magkaroon ng mga kaibigan at mapansin ng taong gusto mo. Ang pagiging maganda ay nakakatulong upang mapataas mo ang iyong kumpiyansa at tiwala sa iyong sarili.

Isa sa mga maling paniniwala ay kailangan mo ng mga mamahaling damit, makeup, sapatos, at iba pang beauty products para maging maganda. Oo, hindi libre magpaganda. Nangangailangan ito ng salapi maging ng oras ngunit, hindi ito kailangan maging mahal.

Diskarte at ikaw mismo ang sagot kung paano maging maganda sa tipid na paraan. Narito ang iba pang tips na makakatulong sa iyo.

Paano maging maganda: Maghilamos dalawang beses sa isang araw

Ang iyong balat ay malaking susi kung paano maging maganda kahit walang makeup. Una at higit sa lahat, maghanap ka ng magandang facial wash na hiyang sa iyong balat. Maghilamos ng dalawang beses – isa sa umaga, pangalawa sa gabi.

Bagamat nakakatukso na maghilamos ng higit sa dalawang beses sa isang araw, hindi ito angkop at maipapayo dahil ang sobra at madalas na paglilinis ng mukha ay magdudulot ng pagka-dry ng iyong balat.

Maglagay rin ng mga moisturizers at sun screen upang maprotektahan ang iyong balat sa init at iba’t ibang pollutants.

Wag kalimutang ngumiti para palaging maging maganda

“The most beautiful curve on a woman’s body is her smile.” – Bob Marley

Ang pag-ngiti ay nagpapaliwanag sa iyong mukha at nakakatulong upang lumabas ang inner beauty na iyong tinataglay. Ang pag-ngiti ay simbolo ng kaligayahan at tiwala sa sarili. Nakakatulong din ito upang maging kaakit-akit ka sa iba.

Nakakabuti sa iyo ang ngumiti upang ika’y maging maganda, may makeup man o wala.

Isaayos ang iyong budget para makabili ng mga pampaganda

Depende sa iyong kinikita at mga gastusin, mag-set ka ng rasonableng budget para sa iyong mga damit, skincare, buhok, makeup, at iba pa. Tingnan mo ang iyong lifestyle at isiping mabuti kung ano ang tunay mong kailangan. Halimbawa, hindi mo kailangan bumili ng mamahaling high-heels na sapatos kung lagi kang nagco-commute sa Jeep at sumasagupa sa trapiko ng EDSA. Isa pa, kung madalas ka nagswi-swimming, hindi mo kailangan gumastos sa mamahaling hair treatment tulad ng rebond dahil masisira lamang ito. Maging praktikal.

Bumuli sa mga ukay-ukay para makamura

Kung mura ngunit, fashionable at high-quality na damit ang iyong hanap. Ukay-ukay at mga Overruns ang sagot. Magdala lang ng mahabang pasensya at maging magaling sa paghahanap dahil siguradong magbubunga ito at matatagpuan mo ang hinahanap mong klase ng damit.

Second hand ang mga damit sa ukay-ukay at madalas ay galing sa Amerika, Japan, Hong Kong, at South Korea. Samantalang, mga bago ngunit may maliit na defect o mali sa pagkakatahi ang mabibili sa mga overrun outlets. Makakahanap ka rin ng mga mura at magagandang scarf, sapatos, at bag sa mga ukay-ukay.

Maghanap ng deals online

Dahil nasa modern age na tayo, naging moderno na rin ang paraan upang makahanap ng gamit pampaganda. Bukod sa ito’y convenient dahil hindi mo na kailangan pa lumabas ng bahay, sigurado rin na makakamura ka dahil maraming mga websites online ang naga-alok ng iba’t ibang discounts at sales lalo na tuwing may mga holidays tulad ng Pasko o kaya tuwing Summer. Upang maging ligtas at sigurado ang iyong mga transactions online, piliin ang mga sellers na may COD option o Cash-On-Delivery.

Mix and Match Outfits

Paano maging maganda, kahit kakaunti lamang ang damit? Maging malikhain. Itugma sa iba’t ibang style at kulay. Ang mga damit na sobrang laki ay ipa-baston sa mananahi upang maging husto ang sukat nito. Kung ikaw ay magiging malikhain, maraming style ang maaaring gawin sa iisang damit. Pwede itong tuck-in, front-tuck, o hindi naman ay loose. Maari rin itong ibagay sa denim skirt o kaya sa pantalon. Maghanap ka ng mga ideya sa internet para magabayan ka sa mga magandang color combination at iba pang fashion ideas.

Maglagay ng Accessories sa katawan

Ang paglalagay ng alahas, scarf, headbands, sapatos, bag, relo, at iba pang uri ng accessories ang isa sa pinaka-mabisang paraan upang maging maganda kahit tight ang budget. Nakakatulong ang paglalagay ng mga accessories upang ma-transform ang parehong damit sa iba pang okasyon. Siguraduhin lamang na hindi ito labis at tugma sa iyong damit.

Ayusin ang iyong buhok para maging maganda

Hindi kumpleto ang iyong OOTD o “Outfit of the Day” kung hindi maayos ang iyong buhok. Hindi kailangan na laging pumunta ng salon para maiwasan ang bad hair day. Ang unang hakbang kung paano maging maganda ang iyong buhok ay ang pagpapanatili ng kalinisan nito. Pumili ng angkop na shampoo at conditioner para sa klase ng iyong buhok. Masahiin ang anit at siguraduhing nalilinis ang bawat sulok ng iyong buhok.

Nakakaapekto ang ayos ng iyong buhok sa magiging itsura mo sa kabuuan kaya sumubok ng iba’t ibang hairstyles angkop sa hugis ng iyong mukha o di kaya sa okasyon na iyong pupuntahan. Maari ka rin maglagay ng iba’t ibang accessories tulad ng hairband, hairclip, at hair ponytail.

Tulad ng online shopping, marami ring salon ang naga-alok ng discount tuwing may espesyal na okasyon. Maghanap din ng mga salon na magbubukas pa lamang dahil madalas ay nagbibigay sila ng mga “opening discounts”. Tandaan, hindi hadlang ang pagiging on the budget upang higit na maalagaan at mapaganda ang iyong buhok. Kung hindi kaya magpa-salon, maglaan lamang ng oras sa paglalagay ng mga home-made hair treatment tulad ng langis ng niyog, isa hanggang dalawang beses sa isang linggo.

Paano maging maganda: Wag kalimutan ang mga kuko!

Ang malinis na kuko ay mahalagang bahagi upang maging complete package ang iyong pagpapaganda. Ang marumi, maitim, at hindi angkop na haba ng mga kuko ay makakasira sa iyong outfit at maaring maging sagabal sa trabaho at mga gawaing bahay.

Hindi kailangan maging mahal ang pag-aalaga sa mga kuko. Mas maganda tingnan ang mga kuko na malinis kaysa sa mga kuko na may nail polish ngunit, napabayaan na. Alagaan ang iyong mga kuko sa pamamagitan ng paglalagay ng lotion upang mapanatili itong malambot at moisturized.

Be confident!

Ang tunay na kagandahan ay magsisimula sa iyong sarili kaya magkaroon ka ng tiwala sa iyong sarili. Ito ang pinakamahalaga sa lahat. Lahat ay binigyan ng iba’t ibang likas na katangian. Wala doon ang nakahihigit kaysa sa iba kaya ang pinaka-mabisang paraan kung paano maging maganda ay maging confident at mahalin ang katawan na ibinigay sa iyo.

KATULAD NA MGA ARTIKULO